-- Advertisements --

Inatasan ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año si PNP chief Police Director Gen. Oscar Albayalde na resolbahin ang kaso ng napatay na pari sa Cagayan sa lalong madaling panahon.

Ayon sa kalihim nais niya na magkaroon kaagad ng feedback sa kaso, ano ang motibo at sino ang nasa likod sa pagpatay sa batang pari na si Father Mark Ventura.

Binaril patay ang pari pagkatapos ng misa na kaniyang pinangunahan.

Giit ni Año ang pagpatay sa pari ay isang serious matter na kailangan alamin ang punot dulo nito.

Samantala, bumuo na ng Special Investigation Task Group ang PNP para tugisin ang suspeks sa pagpatay kay Fr. Mark Anthony Ventura sa Gattaran, Cagayan.

Ayon kay Police Director Elmo Sarona ng Directorate for Investigation and Detection Management sa isang press conference sa Camp Crame.

Ayon kay Sarona, pinamumunuan ng Provincial Director Senior Supt. Warren Gaspar Tolito ang naturang task group.

Sinabi ni Sarona, may isinumite nang listahan ng mga posibleng motibo sa krimen ang task group, pero tumanggi ang opisyal na magbigay ng detalye para hindi makasagabal sa imbestigasyon.

Pero inamin ng opisyal na kasama sa mga possibleng anggulong tinitignan ng mga autoridad ang pagiging anti-mining advocate ng pinaslang na pari.