Pinatitiyak ni Interior Sec. Eduardo Año sa PNP Cordillera na walang mangyayaring cover-up at whitewash sa imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na si Darwin Dormitorio.
Sinabi ni Año, nais nito mapanagot ang mga kadeteng sangkot sa hazing kung saan dapat aniya ay pinakamabigat na parusa ang kaharapin ng mga suspek.
Nakatakda na rin sampahan ng kasong kriminal ang tatlong suspek na mga upperclassmen ni Darwin bukod pa sa kasong administratibo.
Naniniwala si Año na may lapses sa mga opisyal ng PMA kaya hindi napigilan ang hazing.
“I gave instruction to PNP Cordillera that no cover up and that everybody is liable criminaly and administratively to be charged and given appropriate disciplinary action so I believe walang magiging whitewash,” pahayag ni Sec Año.
Sa ngayon, nasa proseso ang PMA sa pag-review ng kanilang sistema ng gayon hindi na maulit pa ang insidente.
Aniya, mahalaga na ma-empower ang mga graduating cadets para walang hazing na mangyayari.
Giit ng kalihim ang lumalabas ngayon na mismo ang mga fourth year at graduating cadets tila ang humihikayat sa kanilang mga lower class na masangkot sa hazing.
Nanindigan si Año na panahon na para magkaroon ng total revision sa sistema.
Sa pagtungo ni Año sa PMA kinausap ng kalihim ang mga fourth class cadets na “takot” at “apprehensive” na magsalita hinggil sa insidente.
Nakadama raw ng paggaan ng kalooban ang naturang mga kadete nang malaman nila na may gagawing aksiyon ang mga otoridad para mapanagot ang mga sangkot.
Aminado si Año na nagkakaroon talaga ng insidente ng maltreatment sa panahon na ma-incorporate na ang mga fourth class sa kanilang mga upperclass kaya ito dapat ang tinututukan ng mga opisyal ng PMA.