MANILA – Itinanggi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang akusasyon hinggil sa maanomalyang pagbili ng tablets ng kanyang lokal na pamahalaan para sa mga estudyante na nago-online class.
Sa isang statement sinabi ng alkalde na malinaw na politika ang motibo ng kaso.
“Ang demanda ay malisyoso at pawang pansariling pamumulitika sa panahon ng paghihirap ng taong bayan.”
Nitong Miyerkules nang sampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman si Malapitan at Education Usec. Alain Pascia dahil sa umano’y pagbili nila ng P320-milyong halaga o 64,000 na digital tablets nang hindi umano dumadaan sa wastong bidding.
Nabatid din daw ng mga nagreklamo na hindi nagamit ang mga biniling tablet.
Kabilang sa mga naghain ng kaso ang mga konsehal ng Caloocan City na sina Christopher PJ Malonzo, Marylou Nubla at Alexander Mangasar, na sinasabing mula sa oposisyong partido; at si Rep. Edgar Erice, na sinasabing tatakbo sa susunod na halalan.
Sa isang online post, ipinakita ni Malapitan ang kopya ng bidding documents na nailathala pa umano sa isang pahayagan.
Tiniyak naman ng Caloocan City mayor na haharapin niya ang kaso sa anti-grafy body, at iginiit na dumaan sa tamang proseso ang kanilang biniling digital tablets. Gayundin na may mga dokumentong susuporta rito.
“Sinisiguro ko sa inyo na dumaan sa public bidding ang ating proyektong digital tablets na walang ibang layunin kundi ang makatulong sa blended learning ng ating mga Grade 9 hanggang Grade 12 na mga estudyante sa mga pampublikong paaralan,” ayon sa alkalde.