-- Advertisements --

Muli na namang nanguna sa panalo ng Utah Jazz ang Filipino American player na si Jordan Clarkson nang tambakan ang San Antonio Spurs, 126-94.

Nagtala si Clarkson ng 30 points kasama ang dalawang three points shots, apat na rebounds at apat na assists sa 25 minuto lamang na paglalaro mula sa bench para sa ika-49 panalo ng koponan ngayong season.

Jordan Clarkson Jazz 2
Utah’s sixth man Filipino American Jordan Clarkson

Naipasok ni Clarkson ang 12 tira mula sa 16 na pagtatangka kasama na ang nakakabilib niyang mga floaters, hook shots, layups at 3-pointers.

Una nang napaulat na lalong lumaki ang tiyansa ni Clarkson, na ang ina ay isang Pinay, na tanghalin sa NBA bilang Sixth Man of the Year dahil sa ipinapakita nitong superb performance.

Bago ang game si Clarkson ay nag-a-average ng 17.5 points kada game, meron din siyang 4.0 rebounds at 34.7% ang accuracy mula sa three-point range.

Samantala, ang small forward na si Bognan Bogdanovic ay tumulong din sa Jazz gamit ang 24 points.

Ang kanilang top scorer at All-Star backcourt na si Donovan Mitchell (ankle) at Mike Conley (hamstring) ay hindi pa rin nakakabalik dahil sa nagpapagaling pa sa injury.

Matapos ang game, sa isang video ay puring-puri ni Mitchell sina Clarkson at Bognadovic.

“I’m so happy we have JV, we have Bojan, legends,” ani Mitchell.

Sa panig ng Spurs walang maisagot ito sa pagbuhos ng puntos mula sa karibal na team.

Umabot sa 55.7% ang nagawa ng Jazz at lumamang pa sila ng 41 points upang iposte ang ikatlo nilang panalo sa limang games na gagawin sa sariling teritoryo.

Namemeligro ang Spurs sa kanilang natipon na 31 wins kung makakasabit pa para sa play-in tournament na mahigit na lamang isang linggo ang natitira bago magtapos ang regular season.

Sa ngayon balik na sa pagiging top team ang Utah sa Western Conference at sigurado na silang pasok sa nalalapit na playoffs matapos namang masilat sa hiwalay na game ang Suns ng Atlanta, 135-103.