Mistulang nakahinga ng maluwag ang ina ng biktima ng panggagahasa ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, todo pasalamat ngayon si Maria Clara Sarmenta, ang ina ni Eileen Sarmenta sa naging pahayag ng Pangulong Duterte na hindi dapat palayain ang dating mayor at sa halip dapat mabulok sa bilangguan.
Liban sa Pangulo, nagpaabot din ngayon nang pasasalamat si Mrs. Sarmenta sa iba pang mga opisyal o mga kinauukulan upang tiyakin na hindi makikinabang sa tinatawag na good conduct time allowance (GCTA) ang kontrobersiyal na dating alkalde.
Kung maaalala maging si Justice Secretary Menardo Guevarra at Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon ay nilinaw na rin na hindi kuwalipikado sa GCTA si Sanchez.
Si Supreme Court Spokesman Brian Hosaka ay iginiit naman na hindi iniutos ng pinakamataas na hukuman ang release sa former mayor.
Samantala, kinilala ng pamilya Sarmenta ang naging papel ng media na nagbigay daan upang maunawaan ng publiko ang karumal dumal na ginawang krimen ng convicted mayor at mga tauhan nito.
Para kay Mrs. Sarmenta, dapat minimum na 40 taon na magsilbi sa kulungan ang 70-anyos na si Sanchez, na ngayon ay nasa 24 na taon pa lamang na nagsisilbi sa Bilibid.
“Nagpapasalamat po kami unang-una sa ating Panginoon. Nagpapasalamat po kami sa mahal na Pangulo, nagbigay na po siya ng statement…natuldukan na rin ang ating ipinaglalaban. Answered prayers po,” bahagi ng emosyunal at mangiyak-ngiyak na pahayag sa Bombo Radyo ni Mrs. Sarmenta. “Nagpapasalamat ako sa tulong ng media at sa mamayan. At least narinig po nila ng pamahalaan, ang ating boses na pagbibigay ng hustisya para kay Eileen.”