-- Advertisements --

Tuluyan nang bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam kasabay ng napipintong tag-araw sa buong bansa.

Maalalang hanggang nitong kalagitnaan ng Marso ay napanatili ng Angat Dam ang antas ng tubig na mas mataas kumpara sa normal high water level (NHWL) nito na 212 meters.

Gayunpaman, batay sa record ng Hydrology Division ng state weather bureau, unti-unti nang bumaba ang antas ng tubig nito at sa kasalukuyan ay nasa 211.31 meters na lamang ito.

Kahapon ay napanatili pa ng dam ang 211.53 meters ngunit sa nakalipas na 24 oras ay bumaba ito ng mahigit 20 centimeters, bagay na nangyari rin sa mga nakalipas na araw.

Una nang idineklara ng weather bureau ang tuluyang pagtatapos ng Amihan na dating nagdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.

Ang Angat Dam ang pangunahing nagsusuply ng malinis na tubig sa mga kabahayan sa National Capital Region at iba pang mga katabing probinsya.

Ito rin ang nagsusuply ng tubig sa malalaking mga sakahan sa Central Luzon.