-- Advertisements --

Bumagsak na sa 205.3 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam, batay sa report na inilabas ngayong araw (April 23) ng Hydrology Division ng state weather bureau.

Sa nakalipas na 24-hour monitoring ng naturang ahensiya, bumaba ng 25 centimers ang antas ng tubig sa naturang dam.

Ang kasalukuyang lebel nito ay halos pitong metro na mas mababa kumpara sa normal high water level (NHWL) na 212 meters.

Sa loob ng apat na araw, o mula April 19 hanggang kahapon (April 22), bumagsak ng isang metro ang antas ng tubig sa Angat Dam kung saan nasa 206.39 meters pa ang antas ng tubig nito noong April 19.

Ang Angat Dam ang nagsisilbing pinanggagalingan ng malinis na tubig na ginagamit sa Metro Manila at iba pang karatig probinsya.

Nagsusuply din ito ng tubig sa mga sakahan sa ilang bahagi ng Central Luzon.

Samantala, pawang nagrehistro ng pagbaba ng lebel ng tubig ang walong malalaking dam sa Luzon, batay pa rin sa record na inilabas ng Hydrology Division ng weather bureau.

Tanging ang Binga Dam sa Cordillera ang nagrehistro ng bahagyang pagtaas sa lebel ng tubig kung saan sa nakalipas na 24 oras ay umangat ito ng 21 centimeters.