Patuloy na bumaba ang antas ng tubig sa Angat Dam pababa sa minimum operating level ngayong Linggo, ayon sa state weather bureau.
Ayon sa weather bureau ang antas ng tubig sa Angat Dam ay bumagsak na sa 178.80 metro kaninang umaga mula sa 178.89 metro noong Sabado.
Kinakailangan ng Angat Dam ng 1100 millimetro ng pag-ulan para maabot ang normal na high water level na 210 meters.
Ang minimum operating level ng dam ay 180 meters.
Nauna nang iniulat na patuloy na nakararanas ang bansa ng hindi magandang kundisyon ng panahon simula noong Sabado dahil sa Bagyong Aghon.
Ayon sa National Water Resources Board, kapag bumaba ang antas ng tubig sa Angat Dam pababa sa 180 metro, pangunahing bibigyan ng water releases ang municipal use, irrigation use, at river maintenance.
Ang Angat Dam ay nagbibigay ng halos 90% ng inuming tubig sa Metro Manila, Rizal, at bahagi ng Cavite at Bulacan.
Samantala, ang antas ng tubig sa San Roque, Magat, at Ambuklao Dams ay bumaba rin habang ang antas ng tubig sa La Mesa, Ipo, Pantabangan, Caliraya, at Binga dams ay umangat.