Tumaas ng 10.74 metro ang antas ng tubig ng Angat Dam sa Bulacan sa nakaraang linggo, ayon sa pinakabagong datos mula sa state weather bureau.
Mula sa 183.58 metro noong Setyembre 1, umabot sa 194.32 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam noong Setyembre 8.
Ang malaking pagtaas ng antas ng tubig ng naturang dam ay dulot na rin ng mga pag-ulan na dala ng Bagyong “Enteng” (Yagi) at habagat na pinalakas ng bagyo.
Gayunpaman, kahit na may pagtaas sa lebel ng tubig, kailangan pa ng dam ng karagdagang 15.68 metro upang maabot ang normal high water level na 210 metro at masiguro ang sapat na suplay ng tubig sa susunod na tag-init.
Ang Angat Dam, ay nagbibigay ng 98% na suplay ng tubig sa Metro Manila.
Samantala, karamihan sa mga dam sa Luzon ay nakaranas din ng unti-unting pagtaas sa kanilang mga antas ng tubig dulot ng malalakas na pag-ulan noong nakaraang linggo.