CAUAYAN CITY – Patuloy na bumababa ang antas ng tubig sa Magat Dam bunsod ng kawalan ng pag-ulan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering and Operations ng NIA-MARIIS, sinabi niya na nagpapatuloy ang kanilang monitoring dahil tuloy-tuloy ang pagbaba ng tubig sa dam.
Sa ngayon ay nasa 162.85 meters ang actual water elevation ng dam at kung magpapatuloy ang kawalan ng pag-ulan ay posibelng ilang araw na lamang ang bibilangin bago maabot ng dam ang critical level na 160 meters above sea level dahil umaabot sa point 5 meters ang nababawas na tubig sa dam bawat araw.
Sa kabila ng mabilis na pagbaba ng antas ng tubig sa dam ay sinisikap ng NIA-MARIIS na gumawa ng mga hakbang upang mapabagal ito sa pamamagitan ng pagbabawas ng volume ng tubig na pinapalabas para sa mga irrigation canal.
Sakaling tuluyan nang maabot ang critical level ay mabibigo na ang Balikatan dam na magtustos ng tubig sa limang munisipalidad kabilang ang Saguday, Cabarroguis, Diffun sa Quirino, at San Mateo at Cordon naman sa Isabela.
Patuloy namang hinihingi ng NIA-MARIIS ang koordinasyon ng mga magsasaka na sundin ang kanilang water scheduling at huwag kontrolin ang tubig na dumadaloy sa mga irigasyon para matiyak na lahat ay mapapatubigan.