Itinaas sa ikalawang alarma ang antas ng tubig sa Marikina river nitong araw ng huwebes sa gitna ng matinding pag-ulan dahil sa nagdaang bagyong Egay.
Kaninang alas-11:11 ng umaga, pumalo sa 16 meters ang antas ng tubig sa Marikina river base na rin sa anunsiyo ng Marikina Public Information Office.
Sa ilalim ng ikalawang alarma, ang mga residente sa mabababang lugar at flood prone areas ay kailangang ilikas.
Sa oras naman na itaas sa ikatlong alarma o 18 meters mark ang antas ng tubig sa Marikina river, inaasahang ipapatupad ang forced evacuation ng mga residente na apektado ng pagbaha.
Sa latest update din, sinabi ng Marikina PIO na binuksan ang Manggahan floodgates.
Una rito, nitong umaga ng huwebes, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Egay subalit nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) No.2 sa karamihan ng bahagi ng Luzon dahil apektado pa rin ng bagyo ang naturang mga lugar sa bansa.