Nakabuwena mano rin ng panalo ang Milwaukee Bucks sa una nilang laro sa NBA bubble nang talunin ang Boston Celtics 119-112 sa Orlando, Florida.
Sumandal ang Bucks sa big game ng kanilang big man nang magtala ng 36 points si Giannis, 15 rebounds at seven assists.
Una rito, fouled out na sana ang NBA’s MVP may 1:28 ang nalalabi sa laro pero nabaligtad ito nang makita ang replay hanggang sa nabigyan tuloy siya ng tiyansa para sa tira sa foul line.
Ito na ang 54-12 record ng best team at isa na lamang ang kailangan na panalo upang makauna sila bilang top seed sa Eastern Conference sa ikalawang sunod na taon.
Tumulong rin sa panalo ng Bucks si Khris Middleton na may 18 points sa kabila na hindi nakapaglaro sina Eric Bledsoe, Pat Connaughton na nagpapagaling pa matapos na magpositibo sa COVID-19.
Sa kampo ng Celtocs nasayang naman ang diskarte nina Marcus Smart na may 23 points at si Jaylen Brown na nag-ambag ng 22.
Pero ang kanilang star forward na si Jayson Tatum ay mistulang kalawangin pa na meron lamang kakarampot na limang puntos mula sa 2-for-18 shooting.