-- Advertisements --

Itinala ng Milwaukee Bucks ang kanilang ikaapat na sunod na panalo matapos nilang dominahin ang Washington Wizards, 133-122.

Muling bumida sa Bucks si Giannis Antetokounmpo na nagpakawala ng 31 points, 15 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikatlong sunod na triple-double.

Kumayod nang husto ang Milwaukee para makabawi matapos nilang sayangin ang 26 points noong third quarter.

Nang makahabol ang Wizards sa huling minuto ng laro, nagpasok si Antetokounmpo ng apat na sunod na puntos upang ilayo ang Bucks at hindi na mahabol pa ng kalaban ang iskor.

Sa panig ng Washington, hindi naman nagbunga ang 37 points ni Bradley Beal, na naglaro muli matapos magpahinga ng isang laro dahil sa pananakit ng tuhod.