-- Advertisements --

Sinampahan ng kaso ni Milwaukee Bucks star Giannis Antetokounmpo ang isang Pennsylvania man na nagbebenta umano ng “Greek Freak” t-shirts na walang pahintulot.

Nakasaad sa lawsuit ni Antetokounmpo, pinadalhan daw nito ng “cease-and-desist” letter ang designer na si Jinder Bhogal hinggil sa t-shirts ngunit hindi raw ito tumugon.

Pag-aari kasi ni Antetokounmpo ang commercial trademark para sa “Greek Freak,” dahilan kaya dapat munang humingi ng permiso sa kanya ang sinumang gagamit ng naturang moniker.

Batay sa reklamong inihain sa Manhattan federal court, ang ginawang ito ni Bhogal ay naglalayong lituhin ang mga konsyumer sa paniniwalang binibili nila ang mga produktong inendorso ni Antetokounmpo.

Sa kasalukuyan, wala pang tugon ang kampo ni Bhogal ukol sa isyu.

Ang 24-year-old ay itinanghal bilang All-Star sa ikatlong sunod na taon at nagwagi bilang MVP kontra kay James Harden.

Anim na taon nang naglalaro si Antetokounmpo para sa Bucks kung saan naglista ito ng average na 27.7 points, 12.5 rebounds at 5.9 assists per game noong nakaraang season.