-- Advertisements --

Sa ikaapat na pagkakataon sa kanyang NBA career, napatalsik sa laro si Giannis Antetokounmpo ngunit nagawa pa ring magwagi ng Milwaukee Bucks kontra Washington Wizards, 126-113.

Pinatawan si Antetokounmpo ng flagrant foul 2 makaraang i-headbutt nito si Moritz Wagner sa 8:50 marka ng second quarter.

Nagtapos na may 12 points at siyam na rebounds ang reigning MVP sa loob ng 10 minuto.

Sumandal ang Bucks kay Brook Lopez na kumubra ng 24 points sa loob ng 22 minuto. habang nagdagdag din ng 23 ang reserve na si Sterling Brown.

Wala namang implikasyon sa playoffs ang nasabing laro sapagkat nakamit na ng Bucks ang top seed sa East, habang laglag na sa playoff contention ang Wizards, na naglista ng bokyang 0-7 sa NBA bubble.

Samantala, si Rui Hachimura ang nanguna sa Wizards sa kanyang 20 points, na dinagdagan ni Ish Smith ng 19.