Abanse na ang Milwaukee Bucks, 2-1, sa serye matapos na talunin ang Boston Celtics, 123-116, sa NBA Eastern Conference semifinal.
Muling namayani si Giannis Antetokounmpo sa panalo ng Bucks nang magtala ng 32 points at 13 rebounds.
Aminado si Antetokounmpo sa kanyang papel na ginagampanan sa team na siyang nais daw sa kanya ng mga teammates at ito ay ang pagiging agresibo.
“I’m just gonna keep being aggressive. That’s what my teammates want me to do,” ani Antetokounmpo.
Tinulungan naman siya nina George Hill na nagpakita ng 21 points at si Khris Middleton na nagdagdag ng 20.
Sinamantala ng Milwaukee ang maraming turnover ng Celtics upang i-convert ito sa score.
Sa kabilang dako umani naman nang hiyawan ang harap-harapan na pag-atake ng tira ng Celtics kay Giannis.
Kabilang na ang one-handed dunk ni Jaylen Brown sa Bucks’ superstar.
Pero sa huli kumamada ng mas maraming puntos ang Bucks sa mga tira sa loob dahil sa kahinaan din ng depensa ng Boston.
Nasayang din ang ipinasok na 29 points ni Kyrie Irving at ang 20 ni Jayson Tatum.
Lumamang pa ang Boston ng isang puntos sa half time pero pagsapit ng third quarter ay hindi na sila umubra nang lumayo pa ang Milwaukee, 40-31.
Sa final period ay hindi na lumingon ang Bucks at inabot ng hanggang 17 points ang kanilang kalamangan.
Sa Martes pagkakataon ng Celtics na itabla ang serye sa gagawing Game 4 sa kanilang teritoryo.