-- Advertisements --

Nagpasabog ng malahalimaw na 36 points at 20 rebounds si Giannis Antetokounmpo upang mamayani sa 112-101 paglampaso ng Milwaukee Bucks sa Philadelphia 76ers.

Sumandal ang Milwaukee sa napakatindi nilang depensa upang biguin ang 76ers na pinangunahan ng kanilang All-Star center na si Joel Embiid.

Mistulang inalat ang Philadelphia sa laro kung saan naglista lamang sila ng 37.4% mula sa field, maging si Embiid na mayroong 6 of 26, at nag-ambag ng 19 points at 11 rebounds.

Ito na ang ika-12 panalo ng Bucks sa 13 laro, at nakabawi na rin sa pagkatalo nila sa 76ers noong Christmas Day.

Bagama’t nalimitahan sa apat na puntos sa first half, nagtapos na may 20 points at pitong boards si Bucks forward Khris Middleton, at nagdagdag din ng 14 markers si point guard Eric Bledsoe.

Nagsilbi namang top scorer si Tobias Harris para sa Philadelphia na kumamada ng 25 points, samantalang muntik nang makapagrehistro ng triple-double si Ben Simmons sa kanyang 11 points, 14 rebounds at siyam na assists.