Nalampasan na ni Milwaukee Bucks superstar Giannis Antetokounmpo ang NBA legend na si Michael Jordan sa all-time list ng mga players na nagtala ng pinakamaraming triple-double performance.
Naabot ni Giannis ang mileston matapos na talunin nila kanina ang Washington Wizards sa score na 112-98.
Hindi nagpaawat ang tinaguriang “Greek Freak” sa kanyang pagdomina sa laro nang kumamada ng 33 points, 15 rebounds at 11 assists.
Ito na ang pang-29 na triple double ni Giannis sa kanyang career para pumuwesto siya sa pang-18 sa listahan sa kasaysayan sa NBA.
Kung maalala dati na ring tinanghal na back-to-back MVP ng liga si Giannis.
Sa naging laro kanina, hindi lamang si Antetokounmpo ang kumayod ng husto para sa defending champions, kundi maging ang apat pang ibang mga players na kinabibilangan nina Jrue Holiday na may 22 points, Bobby Portis may 17 points, Khris Middleton na nagpasok ng 13 at si Grayson Allen na nagdagdag ng 10.
Sa panig ng Wizards, nalasap na nito ang ika-anim na sunod na talo, habang kanina ay wala ang kanilang star guard na si Bradley Beal dahil sa injury.