Nagbuhos ng 36 big points at 14 rebounds si Giannis Antetokounmpo upang bitbitin ang Milwaukee Bucks tungo sa panalo kontra Los Angeles Clippers, 105-100.
Dahil sa panalo, nasungkit ng tropa ni Milwaukee coach Mike Budenholzer ang ikalima nilang sunod na panalo sa liga.
Baon sa pitong puntos sa unang bahagi ng fourth quarter, tinangay ng Bucks ang 101-100 abanse makaraang ipasok ni Antetokounmpo ang dalawang free throws sa huling 1:57.
Sa natitirang 10.3 segundo, ipinasa ni Khris Middleton kay Antetokounmpo para sa one-handed slam upang ibigay sa Milwaukee ang 103-100.
Makaraan namang pumalya ang potensyal na game-tying three-pointer ni Kawhi Leonard, na-rebound ni Middleton ang bola at nagpasok din ng dalawang free throws upang selyuhan ang panalo.
Hindi na nakapuntos pa ang Clippers sa huling apat na minuto kung saan tila inalat ang tandem nina Kawhi Leonard at Paul George.
Nasayang ang 25 points at nine rebounds ni Leonard, maging ang 16 points ni George para sa Clippers.