Inanunsiyo ngayon ng Los Angeles Lakers na aabutin ng isang buwan na hindi makakapaglaro ang kanilang big man na si Anthony Davis matapos na magkaroon ng injury.
Una nang dumanas ng mid-foot sprain si Davis sa laro kahapon kontra sa Utah Jazz pero sa huli ay nanalo pa rin ang Lakers dahil sa ginawang doble kayod ng NBA superstar na si LeBron James.
Sinasabing malaking kawalan sa kampanya ng Los Angeles ang pagkawala ni Davis lalo na at naghahabol ang koponan na sumabit sa playoffs at hindi malaglag sa tinatawag na play-in tournament.
Sa ngayon nasa pang-siyam na puwesto sa Western Conference ang Lakers at hawak ang 27-31 win-loss record.
Kung maalala noong buwan ng Disyembre at Enero ay umabot din sa 17 games na hindi nakalaro si Davis dahil din sa injury sa kanyang kaliwang paa.
Balak ng Lakers na muling isailalim sa reevaluation ng mga doctors si Davis makalipas ang apat na linggo.