-- Advertisements --

Sinelyuhan ng 17-foot pullup jump shot ni Carmelo Anthony ang matagumpay na pag-upset ng Portland Trail Blazers sa NBA champions na Toronto Raptors, 101-99.

Si Anthony din ang nagbitbit sa Blazers tampok ang kanyang 28 points, na inalalayan naman ni Damian Lillard na tumabo ng 20 points.

Dahil dito, tinapos na rin ng Portland ang kanilang four-game losing streak sa Toronto, at naitala ang ikalawang panalo sa 10 pagtatagpo nila ng Raptors.

Hindi makaporma ang Blazers sa loob ng tatlong quarters, ngunit naitabla ni Lillard sa 99-all ang laro makaraang pumukol ng 3-pointer sa huling 38 seconds.

Sinamantala rin ng Portland ang turn over ng Toronto, ay kalaunan ay napasakamay ni Anthony ang bola para ipasok ang game-winning shot.

Sa panig ng Raptors, naglista ng 24 points at 10 rebounds si Kyle Lowry upang sandalan ng defending champions.

Bibisita sa Minnesota ang Trail Blazers sa Biyernes, samantalang dadalaw din ang Raptors sa Charlotte sa Huwebes.