Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Safe Space Bill o ang Anti-Bastos Bill na naglalayong labanan ang gender-based sexual harassment sa kalsada, public places, online, workplaces at educational and training institutions.
Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang naturang batas noong Abril 17, 2019, taliwas na naunang nai-report na otomatiko itong naging batas nang hindi aksyunan ng pangulo.
Batay sa Republic Act No. 11313, sinabing bawal na ang catcalling o paninipol, panghihipo, mga homophobic, transphobic o mysogynistic remarks o mga negatibong at sekswal na patutsada sa mga mga babae at maging miyembro ng LGBT, unwanted invitations at iba pang uri ng gender-based harassment.
Sa ilalim rin ng batas, minamandato sa local government units na magpasa ng ordinansa para dito at inuutusan ang MMDA, PNP na siyang manghuli ng mga lalabag sa mga probisyon sa batas.
Papatawan ng isang libong piso hanggang 100,000 fine at maaaring makulong pa ng hanggang isang buwan ang lalabag sa batas depende sa uri ng gender-based harassment.
Kasama rin sa tinukoy ng batas ang ibat ibang uri ng online sexual harassment gaya ng online intimidation invasion of privacy, cyberstalking at maging harassment sa educational at training institutions.
Aabot naman sa 100,000 hanggang 500,000 ang parusa sa online harassment, habang minamandato ng batas ang na magtakda ng mekanismo ang mga paaralan para sa posibleng paghahain ng reklamo ng mga estudyante at faculty members.
Ang Philippine Commission on Women ang siyang mangunguna sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations katuwang ang iba pang kagawaran ng gobyerno.
Matatandaang madalas din mabatikos ang pangulo dahil sa kanyang biro noon sa mga kababaihan na hindi nagugustuhan ng mga kritiko.