DAVAO CITY – Isang konsehal sa Davao City ang nagpapanukala na maglagay ng anti bullying help desk sa mga barangay na mangangalaga sa mga biktima na bigong makamit ang hustisya sa kanilang sinapit upang maglunsad ng agarang imbestigasyon at aksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Davao City 3rd District Councilor Enzo Villafuerte, inilahad ng konsehal na lubhang ikinaalarma ngayon ang tumataas na bilang ng kaso ng bullying sa mga paaralan maging mga opisina ng kalakhang lungsod.
Ayon pa sa konsehal, sakop ng ordinansa ang lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan maging mga establisyemento at mga kumpanya na inaasahang magpapatupad ng mga anti-bullying policies.
Halimbawa, kung hindi aaksyunan kaagad ang nararanasang pang-aapi sa biktima, maaaring manghimasok ang city anti-bullying council na mag-uutos ng revocation of licensce sa isang pribadong paaralan o estabblisyemento.
Pokus din ng naturang ordinansa ang pagtutok sa mga kaso ng bullying sa loob ng opisina.
Paliwanag ng opisyal, mayroon namang pending na panukala sa Kamara na naisumite noong nagdaang taon.
Ngunit epektibo rin ang nipanukalang Anti-Bastos Law na nagmo-monitor sa mga kaso ng gender-based discrimination.
Hangad naman ng konsehal na magiging supplemental ang naturang panukala ng lungsod sa mga ipinapatupad na mga batas sa bansa kontra bullying.
Sa ililikhang anti-bullying help desk ng lungsod, sakop nito ang kinakailangang interbensyon ng mga bullied victims tulad ng physical and mental medication, counseling, maging legal assistance sa mga biktima sa bullying.
Makikipag-ugnayan ang konsehal sa DOLE, CHED at DepEd upang talakayin ang mga probisyion ng naturang anti bullying ordinance ng lungsod.
Maliban pa diyan, plano rin ni Villafuerte na makikipag-usap sa mga kapwa konsehal upang kumbinsihin na suportahan ang nasabing panukala dahil sa paniniwalang makakatulong ito sa pagbibigay ng proteksyon sa lahat lalo na sa mga kabataan na nakararanas ng pambu-bully.
Kasalukuyang nasa ikalawang pagbasa na sa city coucil ang anti bullying ordinance ng Davao City.