Malabong tanggapin ni Vice President Leni Robredo ang mungkahing maging anti-drug czar sa ilalim ng Duterte administration.
Ito ang pagtingin ng tagapagsalita ng bise presidente na si Atty. Ibarra “Barry” Gutierrez, isang araw matapos isapubliko ng Malacanang ang appointment letter sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Gutierrez, palabas lamang ang offer, hindi seryoso at maituturing na pamumulitika.
Gayunman, ang vice president pa rin ang may pinal na pasya sa mungkahi ng Malacanang.
Samantala, aminado naman ang posibleng maging-co-chairperson ni VP Robredo sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na si PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino na mahihirapan ang bise presidente sa ilang aspeto ng kampanya, lalo na ang pagtugis sa drug personalities.
Pero nakikita umano niyang mas magiging epektibo si Robredo sa rehabilitation at reintegration para sa mga dating drug users na gustong magbago.
“Palagay ko mas magiging efficient siya sa aspeto ng rehabilitasyon, reintegration at advocacy,” wika ni Aquino sa panayam ng Bombo Radyo.