Pinuri ng chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang pinaiiral na bloodless anti-illegal drug campaign ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang bagong pamamaraang ito ay ganap na nagpahinto sa mga pang-aabuso ng mga dating nagpapatupad ng batas kontra sa iligla na droga na nag-aakusa, humahatol, at nagpapatupad ng parusa sa mga pinaghihinalaang drug trafficker, adik, at gumagamit ng ilegal na droga.
Sinabi pa ni Barbers na ang kasalukuyang pamamaraan ng administrasyon laban sa droga ay mas epektibo at makatao. Ayon sa kanya, nakamit nito ang higit pa sa mga inaasahang resulta nang hindi gumagamit ng extra-judicial killings.
Sinabi ni Barbers na ang opisyal na bilang ay nagpakita na umabot sa 6,229 na napaslang na drug personalities sa pamamagitan ng extra-judicial killings hanggang noong Marso 2022, habang tinatayang higit sa 20,000 sibilyan ang napatay sa ilalim ng nakaraang administrasyon ayon naman sa tala ng mga human rights group.
Sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, muling ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr., ang kanyang polisiya na magpapatuloy siyang susunod at susundin ang umiiral na polisiya laban sa iligal na droga na nakatuon sa ligal at matuwid na paraan na mas makatao at ang pagpaslang ay hindi kailanman bahagi nito.
Ibinunyag din ng Pangulo na ang kasalukuyang kampanya laban sa droga ay nagresulta ng freezing of assets ng mga big-time drug traffickers na nagkakahalaga ng higit sa P500 milyon, at conviction rate na 79 porsyento laban sa mga kasong isinampa sa korte para sa iligal na droga.
Habang ang gobyerno ay nakatuon sa pag-iwas at rehabilitasyon ng mga pinaghihinalaang drug suspects, hinimok ni Barbers ang mga awtoridad na may kinalaman sa anti-drug operation na mas bigyang-pansin ang pagbawas ng suplay ng droga kaysa sa pagbawas ng demand.
Dahil sa geographical location ng bansa, ginagamit ng mga international drug syndicate, na karamihan ay mga miyembro ng Chinese drug triad, ang Pilipinas bilang transit hub para sa ilegal na kalakalan ng droga.
Gumagamit sila ng mga local drug syndicate at gang bilang mga “mules” para mag-transport ng droga patungo sa ibang mga bansa.