-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyan nang isinantabi ng Special Investigation Task Group (SITG) ang motibo na ‘rido’ o awayan ng mga angkan kung bakit tinambangan ang convoy ni Lanao del Sur Gov. Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr habang napadaan sa bayan ng Maguing ng kanilang probinsya noong Pebrero 17,2023.

Kasunod ito sa inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Office spokesperson Police Maj. Alvison Mustapha na pinakamalapit na anggulo kung bakit na-ambush ng armadong kalalakihan ang grupo ni Adiong ay dahil sa pagkalusob nila kasama ang PDEA-BARMM sa limang milyong piso na halaga ng marijuana plantation sa nabanggit na bayan mismo sa araw na iyon.

Inihayag sa Bombo Radyo ni Mustapha na kasapi ng illegal drug syndicate ang nasa likod pagtambang sa gobernador na ikinasugat mismo nito at ikinasawi ng kanyang apat na security escorts.

Dagdag nito na sisikapin ng SITG kung saan pinamunuan ni Lanao del Sur Provincial Police Office Director Police Col.Robert Daculan na maisampa ng kasong multiple murder at multiple frustrated murder laban sa mga salarin sa piskalya sa loob ng linggong ito.