Binuhay ni Senate committee on labor Chairman Sen. Joel Villanueva ang Security of Tenure Bill o kilala rin bilang Anti-Endo Bill.
Ito ay inihain, ilang araw lamang matapos i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang naipasa ng Senado at Kamara noong 17th Congress.
Ayon kay Villanueva, alam niyang sa huli ay maisasabatas din ito.
Kung maaalala, dati na itong sinertipikahang urgent bill ni Pangulong Duterte at naisama pa sa kaniyang mga nakaraang ulat sa bayan.
Tiniyak naman ni Villanueva na kokonsultahin ang mga miyembro ng gabinete upang malaman kung anong kailangang adjustment para hindi na uli ma-veto ang bagong Anti-Endo Bill.
Samantala, naniniwala si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na nais lamang ni Pangulong Duterte na takpan ang isyu sa kontraktwalisasyon.
Pahayag ito ni Zarate matapos ipatigil ng Pangulo ng operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan dahil sa umano’y korpasyon.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Zarate na hindi dapat inililihis ng Pangulo ang usapin sa kabiguan nito na ipasa ang Anti-Endo Bill.
Iginiit ng kongresista na makalipas ang ilang taon makaraang ipangako ng Pangulo ang pagwawakas sa kontraktwalisasyon, ay hindi pa rin ito natutupad.
Dapat nang magising aniya ang mga mamamayan at magkaisa sa muling pagtulak sa laban na magwawakas sa kontraktwalisasyon.
Pananagasa aniya sa dignidad ng mga manggagawa na magkaroon ng regular na hanapbuhay na pinoproteksyunan ng batas ang naging pasya ng Pangulo na ibasura ang nasabing panukala. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)