Muling inihain ngayon sa Kamara ang “Anti-Epal Bill: na naglalayong ipagbawal at parusahan ang mga kawani ng gobyerno na maglalagay ng kanilang pangalan at litrato sa mga proyekto ng pamahalaan.
Sa ilalim ng House Bill No. 71 ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ipagbabawal ang paglalagay ng pangalan, initials, logo o imahe ng sinumang public official sa anumang uri ng signage na nag-aanunsyo ng isang iminumungkahi, ongoing, o natapos nang proyekto.
Target din nitong ipagbawal ang paglalagay ng pangalan o litrato ng sinumang government official sa mga public service project o vehicle.
“Crediting individuals instead of the government on any public work, project, assistance or program is unethical and a manifestation of the nation’s deeply troubling political patronage,” ani Barbers.
“This system of political advertising also promotes corruption among our officials, sending a wrong sense of accomplishment among the citizens,” dagdag pa nito.
Ang sinumang lumabag dito ay makukulong ng anim na buwan, magmumulta ng mula P100,000 hanggang P1 million, at perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Inaatasan naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH), katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na tanggalin ang lahat ng mga signages na may pangalan o litrato ng mga opisyal ng pamahalaan tatlong buwan matapos maging ganap na batas panukalang ito.