-- Advertisements --
leah navarro

KORONADAL CITY – Tinawag ni South Cotabato second district representative at Deputy Speaker for Mindanao Atty. Ferdinand Hernandez na anti-Filipino ang ginawa ng singer na si Leah Lopez-Navarro sa naging kontrobersiyal na komento nito sa twitter na “retributon” o parusa mula sa paghihiganti ang nangyaring lindol sa Mindanao.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Hernandez, dismayado ito sa naging pahayag ng singer na hindi raw nagpapakita ng tunay na ugaling Pilipino.

Dagdag pa ng mambabatas hindi deserving ng Mindanao at ng mamamayan nito na maranasan ang sunod-sunod na pagyanig.

Binigyang diin nito na natural ang kalamidad.

Aminado rin ang kongresista na maraming taga-Mindanao kabilang na siya ang sumama ang loob sa mga negatibong pahayag laban sa Mindanao sa gitna ng nararanasang kalamidad.

Nararapat umanong kalimutan muna ang pamumulitika sa ganitong panahon ng kalamidad at unahin ang pagtulong sa kapwa.

Una nang idineklarang persona non grata si Navarro sa General Santos City kaugnay pa rin sa nasabing isyu.