-- Advertisements --

Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilidad ng pagbili ng isang anti-flu medication sa Japan na mabisa umanong gamot para sa mga pasyenteng dinapuan g coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, napakalaki umano ng potensyal ng gamot na Avigan, na nakadirekta sa treatment sa nasabing virus.

Bagama’t dine-develop pa raw ang nasabing gamot, sinabi ni Domingo na positibo ang tugon dito ng mga COVID patients.

Dagdag pa ng opisyal, wala pa raw sa merkado ang gamot at wala rin itong distributor sa Pilipinas.

Una rito, sinabi ng Ministry of Science and Technology ng China na tapos na ang clinical trials sa favipiravir, na isang aktibong sangkap ng Avigan.

Ipinagmalaki rin ng naturang tanggapan na nagpakita umano ng “very good clinical results” ang gamot bilang lunas sa COVID-19.

Gayunman, kung positibo si Domingo sa potensyal ng Avigan, nagbabala naman ito sa paggamit sa isa pang uri ng gamot na Prodex-B.

Aniya, ang Prodex-B ay kombinasyon ng procaine at dexamethasone na may vitamin B.

Ang procaine ay ginagamit bilang pain reliever, habang dexamethasone ay isang corticosteroid na mayroon umanong mga side effects, kabilang na ang pagpapahina sa immune system.