Nagmungkahi ngayon si Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon na magbuo na ng anti-insurance fraud unit mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Layunin nitong ma-monitor ang mga transaksyon sa gobyerno, katulad ng korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Matatandaang lumitaw sa hearing kamakailan ang mga anomalya sa nasabing tanggapan, kung saan maging ang mga opisyal ng ahensya ay aminadong hirap sa pagtugon sa problema.
Nais ni Gordon na matiyak na mahuhusay na imbestigador ang maitatalaga rito.
Magkakaroon naman ng access ang special body mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS) at Philippine Veterans Office (PVAO) para matiyak na tama ang maire-release na pondo para sa claims.
Giit ng senador, mahalagang malinis ang PhilHealth para sa pakinabang ng mga tunay na nangangailangan.
“Lahat ng may sakit na Pilipino, apektado diyan. Kung talagang kailangan ng tulong sa ospital, iyan ang hinahabol nila. Kaya nga inilagay iyan para nang sa ganoon, matulungan natin ang mga kababayan natin na hirap at nagpipighati. At tandaan po natin na walang mamamayan ng Pilipinas ang dapat maging mahirap nang dahil lamang sa kanilang sakit. Ang vision ng PhilHealth ay bawat Pilipino, miyembro. Protektado dapat ang kalusugan ng lahat at ang benepisyong pangkalusugan ay sapat at de kalidad,” wika ni Gordon.