Naniniwala ang PNP, PDEA at NBI na kailangang i-recalibrate ang kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Ito ay matapos ibunyag ng Pangulong Rodrigo Duterte na pito hanggang walong milyon pa ang mga drug users o adik sa bansa.
Kapwa sinang-ayunan ng PNP, PDEA at NBI ang bagong estimate ng Pangulo kaugnay sa mataas na bilang ng mga drug users sa bansa.
Paliwanag naman ng tatlong ahensiya, posibleng hindi naisama sa unang pagtaya ang lahat ng mga gumagamit ng droga, kabilang ang mga occasional drug users.
Ayon PDEA Spokesperson Derrick Carreon ay nagsabi na kailangang magkaroon ng bagong survey para matukoy ang eksaktong bilang ng mga drug users sa bansa.
Aniya, ang Dangerous Drugs Board (DDB) ay may mandato sa ilalim ng batas para magsagawa ng survey.
Ang huling survey na ginawa ng DDB ay noon pang taong 2016, kung saan nasa isa’t kalahating milyon lang ang kanilang naitalang drug users sa bansa.
Dagdag pa ni Carreon, sa oras na matapos na ang panibagong survey, maari nang i-recalibrate ng pamahalaan ang kampanya kontra droga para maging mas epektibo kontra sa mas malaking bilang ng mga drug users sa bansa.
Tiniyak naman ni PNP spokesperson S/Supt. Bernard Banac na mas magiging “intense” ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga subalit nananatili ang mataas na respeto sa human rights at ang kahalagahan ng buhay.
Nilinaw ni Banac na kung may mga nasawi sa kanilang anti-illegal drug operations hindi ibig sabihin na magiging killing fields ito.
“This will be an operation specifically targeting high value targets that criminal syndicate supllying large volume of illegal drugs,” pahayag pa ni Banac.
Sa panig naman ni Atty. Ferdinand Lavin, NBI spokesperson, ang tingin naman nila sa inilabas na bilang ng Pangulong Duterte ay nais nitong “i-challenge” ang mga law enforcement agencies na doblehin pa ang kanilang trabaho.
“The president is a very good tactician and strategist,” paniwala pa ni Lavin.