Planong magtalaga ngayon ng Anti-Kidnapping Task Force ng mga Hotlines na maaring tawagan ng publiko o mga indibidwal kaugnay sa mga insidente ng kidnapping sa bansa.
Sa koordinasyon ng Department of Justice, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at pati na rin ang Department of the Interior and Local Government, pinaghahandaan na nila ngayon kung papaano ang magiging sistema sa paggawa ng mga naturang hotlines.
Ayon kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla, ang inisyatibong ito ay bilang tugon sa mga naitatalang kidnapping hindi lamang ng mga Filipino-Chinese kundi pati na rin sa bansa.
Dagdag pa ng naturang kalihim, ang kanilang ilulunsad na mga hotlines ay magbibigay daan upang magkaroon ng mapagsusumbungan ang mga biktima, at kung may tip man ay maari din dito direktang itawag.
Paliwanag niya, matapos ang pakikipagdayologo sa mga negosyanteng Filipino-Chinese, aniya ang mga hakbang nilang ito ay hindi pakitang tao lamang kundi ito’y kanilang ginagawa para mas mabilis na maresolba ang problema.
Matatandaan na kamakailan lamang ay napaulat na ang isang negosyanteng Filipino-Chinese na si Anson Que ay nabiktima ng kidnapping at kalauna’y natagpuang patay nang paslangin matapos kindnappin ng mga nasa likod ng krimen.
Dahil dito, hinimok ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang publiko maging ang komunidad ng mga negosyanteng Filipino-Chinese na makipagtulungan na rin sa kanilang upang tuluyang masolusyonan ang isyu ng kidnapping sa bansa.
Kasabay din nito ang pagtitiyak na kanilang ginagawa ang lahat, maresolba lamang ang naturang kaso ni Anson Que nang sa gayon ay maiwasan ng ito’y maulit pa.
Aniya, ito rin umano ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Bonbong Marcos Jr. sa kanila na pangunahan ang koordinasyon at pag-iimbestiga sa mga naitatalang kaso ng kidnapping sa Pilipinas.