VIGAN CITY – Tiniyak ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) na walang mangyayaring nakawan sa mga lugar na isinailalim sa lockdown dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Taal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni PCol. Edwin Quilates, provincial director ng BPPO, mayroon na umano silang binuong anti-looting task force para bantayan ang mga lugar na isinailalim na sa lockdown.
Katuwang umano nila sa pagbabantay sa mga nasabing lugar ang Regional Mobile Force Unit (RMFU) na siyang nagbabantay at nagroronda sa gabi habang sa umaga naman ay ang puwersa ng BPPO.
Nauna na umano silang bumuo ng border perimeter security task force na nagpapatupad ng checkpoint sa lahat ng entry at exit points ng mga apektadong lugar.
Kaugnay nito, pinawi ni Quilates ang pangamba ng mga residenteng nananatili ngayon sa mga evacuation areas at ipinangako na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang walang manakaw na gamit o alagang hayop ang mga ito.