-- Advertisements --

Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang i-ban o tuluyan nang ipagbawal sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operations o POGOs.

Sa sesyon kahapon nanaig ang boses ng mga pabor sa House Bill 10987.

Matatandaan na ang Anti-POGO Bill ay isa sa mga panukalang nabuo ng House Quad Committee, mula sa serye ng kanilang imbestigasyon ukol sa ilegal na operasyon ng POGO.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang lahat ng uri ng offshore gaming operations sa Pilipinas.

Babawiin din ang lahat ng lisensya na inisyu sa sinumang indibidwal o entity, kasama ang gaming agents ng PAGCOR, Cagayan Economic Zone Authority o CEZA, Aurora Pacific Economic Zine and Freeport Authority o APECO, at Authority of the Freeport Area of Bataan o AFAB, para sa offshore gaming operations.

Habang idedeklarang kanselado ang lahat ng visas na inisyu ng Bureau of Immigration pati alien employment permits na ibinigay ng Labor Department sa dayuhang mangggagawa na nagta-trabaho sa POGOs.

Ang mga lalabag, sa oras na maging ganap na batas ito ay papatawan ng kulong na 4 hanggang 10 taong kulong at multang P100,000 hanggang P10 million pesos, depende sa bilang ng offense.