DAVAO CITY – Mas pinalalakas pa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang anti-polio program nito bilang tugon sa outbreak na idineklara ng Department of Health (DoH).
Sinabi ni Davao City Health Office (CHO) chief, Dr. Josephine Villafuerte na agad silang gumawa ng hakbang matapos mabatid ang resulta ng water sampling na kinuha ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Davao river noong Agosto 22.
Inusisa na rin ng CHO ang mga komunidad na may posibleng mga kaso ng polio upang agad na maiwasan ang pagkalat ng nasabing virus.
Bagama’t wala pang nai-report na kaso ng polio sa lungsod, pinaalalahanan ni Villafuerte ang publiko na kinakailangang manatiling alerto at sumunod rin sa ipinapatupad na mga preventive measures.
Ipinatawag na rin ng CHO ang lahat ng mga nagmamay-ari ng resorts, mga kapitan ng coastal barangay lalo na ang mga naninirahan malapit sa sapa upang ipaalam sa kanila kung paano sila makakatulong upang maiwasan ang pagkalat ng polio virus.
Inaasahan din na papalawakin pa ng CHO ang anti-polio vaccination nito.