Naghain si Senator Raffy Tulfo ng resolusyon sa Senado para imbestigahan ang anti-poor na proseso ng pagkuha ng driver’s license sa Pilipinas para maging mas accessible ito sa mga mahihirap at mga limitado ang budget.
Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution (SR) No. 577 para matugunan ang kasalukuyang isyu ng shortage ng mga plastic card para sa pagi-issue ng lisensya.
Maaalalang nagsagawa ng ocular inspection noong April 13 sa Land Transportation Office (LTO) si Tulfo matapos siyang makatanggap ng sunod-sunod na mga reklamo tungkol sa diumano’y korapsyon at katiwalian sa ahensya.
Sa kasalukuyan, lahat ng bagong driver’s license applicants ay kinakailangang mag-enroll sa LTO-accredit driving school sa halagang 5,000 pesos pataas.
Lahat ng bago at for renewal ng driver’s license applicants ay kinakailangang magbayad ng P500 fee para sa vision test.
Nababahala din ang mambabatas sa mga ulat tungkol sa kakulangan ng mga plastic card para sa pag-imprenta ng driver’s license dahil sa nangyaring rebidding kaya ang kasalukuyang driver’s license ay naka-imprenta sa papel.
Binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangang imbestigahan ang mga insidenteng nakapaligid sa bidding ng nasabing mga plastic card gayundin ang mga plaka para maiwasan na maulit ang nasabing problema.
Nais ding imbestigahan ng Senador mula sa Isabela at Davao ang mga isyu sa proseso ng pagpaparehistro ng mga motor, partikular na ang requirement ng Compulsory Third-Party Liability (CTPL) insurance na mandatory requirement para sa lahat ng may-ari ng motor vehicle sa Pilipinas.