KORONADAL CITY – Nagpakalat ng maraming mga anti-riot police ang South Cotabato PNP matapos na nagpang-abot ang mga anti at pro-mining advocates sa harap ng kapitolyo ng South Cotabato.
Ito ay upang masiguro ang seguridad ng libu-libong mga dumalo sa isinagawang “prayer march rally” na pinangunahan ng Diocese of Marbel at iba’t ibang environmental advocates na tumututol sa lifting ng ban ng open pit mining sa probinsiya.
Habang nasa mahigit 300 mga pro-mining na karamihan mga IPs ang nagsagawa rin ng rally sa harap ng kapitolyo upang ipakita naman ang kanilang suporta sa operasyon ng Saguitarrius Mines Incorporated sa bayan ngTampakan, South Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ms. Lexie Acosta, isang environmental advocate, sumama raw ang libo-libong mamamayan ng South Cotabato at karatig na lalawigan upang ipakita ang pagtutol sa operasyon ng open pit mining sa probinsiya dahil sa napakalaking pinsala na maidudulot nito.
Ipinapanawagan ng mga anti-mining advocates na e-veto ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang ipinasang ordinansa ng sangguniang panlalawigan na nag-aamyenda sa Environment Code ng probinsiya partikular na ang pagtanggal sa ban sa open pit mining.