Dumating na sa Pilipinas ang anti-ship missile ng Amerika na Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS).
Nakikita ang hakbang na ito na magpapalakas pa sa deterrence capability ng Pilipinas.
Kinumpirma ni Balikatan exercise director Brigadier General Michael Logico ang pagdating ng NMESIS na gagamitin sa taunang war games ng Pilipinas at Amerika mula Abril 21 hanggang Mayo 9 ng kasalukuyang taon.
Subalit hindi naman binanggit ng opisyal kung saang lugar ito gagamitin.
Ang NMESIS ang ikalawang US missile na idineploy sa ating bansa. Unang dumating ang US midrange capability Typhon missile mula US noong Abril 11, ng nakalipas na taon at unang ginamit din noong Balikatan exercise.
Ayon kay Logico, aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng aktibidad sa Balikatan sa isinagawang military briefing noong nakalipas na dalawang linggo.
Inihayag din nito na interesado ang Pangulo na mapanood ang isa sa mga kaganapan sa naturang pagsasanay partikular na ang air at integrated air and missile defense exercise.
Ibinahagi din ni Logico na matutunghayan sa Balikatan drills ngayong taon ang deployment ng lahat ng bagong biling assets ng militar ng Pilipinas.
Sa taunang war games, inaasahang makikilahok ang nasa 14,000 personnel mula sa Amerika at Pilipinas, bahagyang mas mababa ito kumpara noong mga nakalipas na taon kung saan umabot pa sa 17,000 ang bilang ng mga tropang idineploy sa pagsasanay.
Matatandaan na inisyal ng inanunsiyo ni US Defense Secretary Pete Hegseth ang deployment ng anti-ship missile sa Balikatan exercise kasabay ng kaniyang pagbisita sa Pilipinas noong nakalipas na buwan.