CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaigting pa ng kapolisan ang regional anti-smuggling operations laban sa lahat ng mga kontrabando na pumasok sa Hilagang Mindanao.
Kasunod ito sa ginawang joint operations ng Philippine National Police kung saan nakompiska ang higit P20-M halaga ng smuggled cigarettes sa loob ng dalawang abandonadong Bahay sa Brgy Sigayan,Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Major Joann Navarro na dahil sa bulto ng mga sigarilyong nakompiska,buo ang paniniwala ng kanilang hanay na mayroon pang mga malalaking personalidad na nasa likod ng ilegal na kalakaran sa rehiyon.
Ito ang dahilan na ipinag-utos ni PRO 10 regional director Police Brig Gen Jaysen De Guzman ang overlapping road checkpoints upang lalong sisikip ang espasyo ng mga sindikato at tuluyang babagsak ang smuggling activities sa rehiyon.
Magugunitang simula nang nanungkulan bilang pinakamataas na opisyal na PRO 10 si De Guzman sa rehiyon, sunod-sunod ang pagkasamsam ng carnap vehicles at mga kontrabando kabilang ang milyun-milyong halaga ng mga sigarilyo hindi lang sa Lanao del Norte subalit mismo sa Cagayan de Oro at Bukidnon.