-- Advertisements --

anti

Ilang araw matapos makasagupa ng mga sundalo ang Abu Sayyaf group (ASG), narekober ng mga tauhan ng Joint Task Force (JTF-Sulu) ang ilang armas na pag-aari ng teroristang grupo sa bahagi ng Bud Daho, Barangay Lumping Pigih Daho, Talipao, Sulu.

Ayon kay 11th Infantry Division at JTF-Sulu commander M/Gen. William Gonzales, narekober ang isang M67- 90mm anti-recoilles rifle noong July 14 sa lugar kung saan din napalaban ang mga Army Scout Rangers.

Dahil aniya sa pinalakas na intelligence monitoring ng militar at sa tulong ng mga residente sa lugar kaya narekober ang nasabing weapon.

Inihayag naman ni 1101st Brigade commander B/Gen. Antonio Bautista, may mga residente umano ang nakakita na may dala-dalang “bazooka” ang teroristang ASG nang makasagupa nila ang mga sundalo.

Kung maaalala, July 9 nang makabakbakan ng mga sundalo ang isang grupo ng Abu Sayyaf sa may Bud Daho kung saan napatay ang isang bandido.

Pahayag ni Bautista, matapos silang makatanggap ng tip ay agad nilang hinanap ang armas sa encounter site.

Ang “bazooka” ay may bigat na 17 kilogram kapag walang laman at umaabot sa 21 kg kung ito ay loaded ng ammunition.

Ayon naman kay 11th Military Intelligence Battalion commander, Lt. Col. Eduardo Castillo, ang anti-tank weapon ay mapanganib kaya gumawa sila ng hakbang para marekober ito mula sa kamay ng ASG.

“Sa lakas ng weapon na ito, comparable ang magiging damage niya sa isang improvised explosive device. Nagkataon lang na walang ma-source na ammunition itong ASG dahil sa hindi nila magawa yung kanilang income generating schemes para bumili at mag-transport,” wika ni Col. Castillo.

Pinuri naman ng militar ang mga sibilyan sa lugar na nagboluntaryong tumulong para mahanap ang “bazooka.”

“The proactive participation of the people of Talipao led by their local chiefs is truly remarkable. This just goes to show that mutual trust and friendship is what will bring terrorism to its end,” pahayag ni Gen. Gonzalez.

Buwan naman noon ng Abril, isang 90mm anti-tank recoilless rifle ang narekober ng Army Special Forces sa Patikul, Sulu.