Naniniwala ang militar sa Western Mindanao na malaking tulong sa kanilang kampanya laban sa terorismo ang pagpasa sa anti-terrorism bill.
Ayon kay Wesmincom chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, napapanahon ang pagpasa ng nasabing panukalang batas para matugunan ang kinakaharap na problema ng bansa, ang terorismo.
Sinabi ng heneral, mas mabibigyan na ng pokus ang kanilang kampanya laban sa terorismo sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan dahil batid na ng mga ito ang kanilang mga dapat gawin sa sandaling maging ganap ng batas ang anti-terrorism bill.
Layon ng bill para mapigilan ang anumang plano o banta ng teroristang grupo na maghasik ng karahasan ngayong may ngipin na ang batas para tugisin ang mga terorista.
Binigyang-diin ni Sobejana mas palalakasin pa nila ang kanilang operational tempo para mapanagot sa batas ang mga terorista.
Maiiwasan na rin na may mga Pinoy local terrorists ang ma-enganyo pa para maging isang suicide bomber.
Aminado ang heneral na nakaka-alarma ang insidente ng suicide bombing sa bansa, lalo na at nakapagtala na ang Pilipinas ng kauna-unahang Pinoy suicide bomber.
Sinabi ni Sobejana suportado nila ang nasabing batas at ang magiging aksiyon ng militar laban sa mga teroristang grupo ay naaayon sa rule of law at may pag respeto sa karapatang pantao at naaayon sa probisyon sa International Humanitarian Law (IHL).
” We are guided with our pre-operational imperatives such as we do our job such as following the rule of law we give due respect to human rights following the provisions on the international humanitarian law yun yung aming guiding principles on top of the terror bill,” wika ni Sobejana.
Siniguro ni Wesmincom chief na susunod ang militar sa kanilang “guiding principle” sa pakikipaglaban at pag neutralized sa mga terorista kaya malabong may pang aabuso na mangyayari, kaya pinawi naman ni Sobejana ang pangamba ng publiko hinggil sa nasabing batas.
Nagpahayag naman ng kanilang suporta ang halos lahat ng mga local government officials sa Western Mindanao sa Anti-Terror Bill.