Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang Anti-Terrorism Bill.
Sa botong 173 na affirmative, 31 negative at 29 na abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 6875 na naglalayong amiyendahan ang Human Security Act of 2007.
Dahil pinagtibay na lamang ng Kamara ang bersyon ng Senado sa naturang panukala, napabilis ang proseso sa pagsasabatas nito dahil hindi na dadaan pa sa bicameral conference committee kundi didiretso na lamang sa Office of the President.
Martes lamang nang inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa sa Anti-Terror Bill makaraan ang ilang oras lang na deliberasyon sa plenaryo at lahat ng mga proposed amendments dito ay pawang hindi tinanggap.
Sa ilalim ng panukala, paparusahan ang sinuman ang magmungkahi, mag-udyok, makipagsabwatan at makibahagi sa pagpaplano, training, at pangangasiwa sa isang terrorist act; gayundin aong mga magbibigay ng suporta sa mga terorista at recruiters ng isang terrorist organization.
Sinuman ang magbanta na gagawa ng act of terrorism, at ang magpapanukala ng anumang terrorist act at maghikayat ng iba na sumali rito ay paparusahan ng 12 taong pagkakakulong.
Maging ang mga magboboluntaryong sasali sa anumang organisasyon, asosasyon o grupo ng mga indibidwal sa isang terrorist organization ay papatawan din ng 12 taon pagkakabilanggo.
Kaparehong parusa rin ang ipapataw sa mapapatunayang nagsilbing accessory sa isang terrorist act.
Samantala, ang mapapatunayang guilty sa pakikipagsabwatan sa isang terrorist act ay papatawan ng habangbuhay na pagkakakulong at hindi bibigyan ng parole.
Layon din ng panukalang ito na magkaroon ng hurisdiksyon ang Pilipinas sa mga Pilipinong sasali sa mga terrorist organizations sa labas ng bansa, gayundin ang pagtitiyak na hindi nagagamit ng mga foreign terrorist ang Pilipinas bilang kuta o pinagtataguan.
Inaalis din ng panukala ang pagbabayad ng P500,000 na danyos sa bawat araw nang pagkakabilanggo ng taong acquitted sa kasong terrorism.
Maari ring ikulong ang sinumang pinagsususpetsahan na terorista kahit walang warrrant sa loob ng 14 na araw na maari pang palawigin ng 10 pang araw.