-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Papayagan diumano ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ang kahilingan ng mga negosyante na gumamit na lamang ng rapid antigen tests sa halip na Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests sa mga turistang nais magbakasyon sa isla kapag mapalakas ng lokal na pamahalaan ng Malay at Aklan ang kakayahan nito sa contact-tracing at pagpapatupad ng health at safety protocols.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista nagpapatuloy ngayon ang pagsasanay ng kanilang mga tauhan, kasama ang provincial government at Malay Police Station kaugnay sa case investigation, contact-tracing, referral, at iba pang COVID-19 related operations.

Ang training umano ay pinangungunahan ng team ni Baguio City Mayor at Contact-Tracing Czar Benjamin Magalong na bumisita sa isla noong nakaraang linggo.

Maliban dito, pinag-aaralan rin umano ng pamahalaan na saluhin na lamang ang bayad sa swab tests ng mga non-Aklanon tourists o babaan ang presyo nito sa gitna ng reklamo na masyado nang magastos ang magbakasyon sa isla.