Pinagmumulta ngayon ng Korte Suprema ang isang Judge sa Antipolo RTC Branch 99 dahil umabot ng pitong taon ang pagkakadelay sa pagresolba ng isang kaso na hinawakan nito.
Ang naturang desisyon ay inilabas ni Associate Justice Henry Jean Paul Inting, matapos na mapatunayan na nakapag commit ng gross neglect of duty si Antipolo Regional Trial Court Branch 99 presiding Judge Miguel Asuncion.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang rekomendasyon ng Judicial Integrity Board (JIB) na hatulang guilty si Asuncion dahil niresolba lamang niya ang isang petisyon para sa isang writ of preliminary injunction noong Abril 11, 2023.
Kung susumahin ay aabot sa mahigit pitong taon ang inabot na naturang petisyon simula ng isumite ito noong Abril 1, 2016.
Binanggit naman ng Korte Suprema ang nakasaad sa Article VIII, Section 15 ng 1987 Constitution.
Nakapaloob sa naturang artikulo na ang mga kaso sa mas mababang hukuman ay dapat lutasin sa loob ng tatlong buwan mula sa paghain ng huling pleading na iniaatas ng Rules of Court o ng mismong korte.
Binanggit din nito ang Canon 6, Section 5 ng New Code of Judicial Conduct na nag-aatas sa mga hukom na agad na magdesisyon sa mga nakabinbing kaso.