-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nilinaw ng Antique Provincial Government na hindi pa 100% na kontrolado ang oil spill na umabot sa Caluya, Antique mula sa tumaob na barko sa Oriental Mindoro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Broderick Train, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer sa Antique, sinabi nito na hindi pa tuluyang na-contain ang oil slick papunta sa mainland Antique.

Anya, ang isla ng Caluya ay siyang sumalo sa lahat ng oil spill kung saan mayroon pang mga natirang langis.

Ayon kay Train, sinusuri pa sa ngayon ng lokal na pamahalaan ang pinsala ng oil spill sa mga isda, seaweeds, at mangrove o bakawan.

Napag-alaman na isinailalim ang Caluya sa state of calamity matapos umabot sa tubig nito ang pagtagas ng langis.

Sinuspinde rin ang mga aktibidad sa pangingisda sa ilang isla ng munisipyo.

Matandaan na ang MT Princess Empress ay lumubog noong Pebrero 28 sa Naujan habang may dalang 800,000 litro.

Bukod sa Oriental Mindoro at Antique, umabot na rin sa Palawan ang oil spill.