-- Advertisements --

Pinatunayan ni Anton “The Dragon” Raga ang kanyang husay sa bilyar matapos dominahin ang Sharks Billiards Association (SBA) Philippine Open nitong Linggo ng gabi sa Sharks Arena and Sports Bar sa Tomas Morato, Quezon City.

Tinalo ng 28-anyos na Cebuano mula Talisay si Jerico “Panday” Bañares sa iskor na 13-7 sa race-to-13 championship match ng prestihiyosong laro na sinalihan ng mga pinakamahusay na bilyarista sa bansa.

Ayon kay SBA founder at commissioner Hadley Mariano, ang tagumpay ni Raga ay patunay ng patuloy na pag-angat ng antas ng bilyar sa Pilipinas.

Tumanggap si Raga ng P400,000 bilang premyo, habang si Bañares ay nakakuha ng P150,000. Pareho rin silang ginawaran ng tropeo.

Nagbigay din ng premyo ang SBA sa iba pang nagwagi. P75,000 para sa ikatlo at ikaapat na puwesto; P20,000 para sa ika-5 hanggang ika-8; P7,500 para sa ika-9 hanggang ika-16; P4,000 para sa ika-17 hanggang ika-32; at P3,000 para sa ika-33 hanggang ika-64.