-- Advertisements --

Nag-iwan ng kabuuang P40,675,916.70 na halaga ng pinsala ang huling apat na bagyong tumama sa Pilipinas, ayon sa National Electrification Administration (NEA)

Kinabibilangan ito ng mga bagyong ‘Marce’ (Yinxing), ‘Nika’ (Toraji), ‘Ofel’ (Usagi), at ‘Pepito’ (Man-Yi).

Batay sa report na inilabas ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD) mayroong 21 probinsya mula sa pitong rehiyon sa buong bansa ang regular na binabantayan matapos maiulat ang labis na pinsalang iniwan ng apat na bagyo.

Iniulat kasi ng mga electric cooperative sa mga naturang probinsya na nagtamo ng pinsala ang ilang mga transmission lines at transmission facilities sa pagbayo ng mga naturang bagyo.

Samantala, sa pinakahuling datus kasunod ng pananalasa ng ST Pepito sa malaking bahaagi ng Luzon, iniulat ng NEA na mayroong mahigit 200,000 power consumer ang naapektuhan dahil sa partial at total power interruption.

Sa Nueva Vizcaya, umabot sa 118,000 consumer ang naapektuhan habang 54,266 naman sa Quirino province. Ang dalawang probinsya ay kapwa mula sa Cagayan Valley, ang dinaanan ng bagyo matapos ang landfall nito sa probinsya ng Aurora.

Sa Bicol Region naman, iniulat ng Catanduanes na mayroong 60,657 power consumer ang naapektuhan matapos ang pag-landfall ng bagyo sa naturang lalawigan.

Sa Aurora province, umabot sa 63,101 consumer ang nawalan ng suplay ng kuryente.

Sa kasalukuyan, puspusan pa rin ang pagsasa-ayos sa mga pasilidad at mga transmission lines na naapektuhan sa kasagsagan ng bagyo.