TUGUEGARAO CITY – Matapos ang ilang araw na paghahanap, narekober na ang bangkay ng isang board member at pulis na natabunan sa Kabugao, Apayao, bunsod ng landslide nitong nakalipas na araw dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Ayon kay P/Lt. Ana Marie Lopez, hepe ng Kabugao-Philippine National Police, natagpuan na ang labi nina Board Member Tolentino Mangalao at P/Cpl. Romel Gumidam dahil hanggang sa ngayon ay impassable ang mga kalsada papunta sa Barangay Libagat.
Aniya, isang araw na naglakad ang kanilang team bago narating ang “ground zero” dahil na rin sa naitalang landslide at kinailangan pang gumamit ng bangka para maibaba ang bangkay ng mga biktima.
Sa ngayon, nasa isang funeral homes sa Lungsod ng Tuguegarao si Mangalao habang dinala naman sa Kabugao si Gumidam.
Nitong gabi ng Huwebes nang makitulog ang mga biktima sa bahay ng pamilya Pugyao sa Barangay Libagat nang magkaroon ng landslide at natabunan ang bahay na sanhi ng kanilang pagkasawi.
Samantala, sinabi ni Lopez na kasalukuyan din na nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center ang isang nagngangalang George kasama ang kanyang asawa at anak matapos magtamo ng sugat dahil pa rin sa pagguho.
Nabatid na malapit sa bundok ang kinatitirikan ng kanilang bahay at nag-iisa lamang ito sa lugar.
Patuloy naman ang paghahanap sa treasurer na si James Carag ng Barangay Caragauan na una ring natabunan ng landslide.
Aminado ang Kabugao chief of police na hanggang sa ngayon ay hindi pa napapasok ng kanilang team ang Barangay Cabetayan sa Kabugao dahil sa mga naitalang pagguho ng lupa.
Maging ang tatlong barangay na kinabibilangan ng Maragat, Dagara Madduang ay isolated din.
Pahirapan din aniya ang signal sa mga nasabing barangay kung kaya’t hirap din ang kanilang hanay na makakuha ng impormasyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Lopez na patuloy ang kanilang monitoring sa mga nasasakupang lugar.