-- Advertisements --
Apayao Tragedy

TUGUEGARAO CITY – Nakatakdang iprisinta ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pagbabalik ni Pangulong Rodrigo Duterte mula Thailand, ang resulta ng imbestigasyon sa Apayao tragedy na ikinasawi ng 19 katao at ikinasugat ng 21.

Ito’y makaraang ipag-utos ng pangulo kay Transportation Sec. Arthur Tugade na masusing imbestigahan ang road crash at magpatupad ng precautions o pag-iingat para hindi na maulit pa ang kahalintulad na pangyayari.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt. Col. Oliver Tanseco, National Chief Management Operations Division ng HPG, na nasa 50% na ang natapos sa isinasagawa nilang imbestigasyon kasama ang Land Transportation Office, PNP, Department of Public Works and Highways at local government unit.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na pagkakamali ng driver at overloading ang dahilan ng pagkahulog ng elf truck sa 15 metrong lalim na bangin noong bisperas ng Todos Los Santos sa Sitio Gassud, Barangay Karikitan.

Hindi rin aniya maituturing na aksidente ang nangyari at tiniyak niyang mananagot sa batas ang driver at may-ari ng elf truck sa kanilang kapabayaan sa paggamit ng ganitong uri ng sasakyan bilang pampasahero.

Nakatakda namang kausapin ni Pol. B/Gen. Dionardo Carlos, national director ng HPG, ang mga survivor sa road crash incident bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

Inatasan na rin ni Carlos ang PNP sa buong bansa na ipatupad ang road safety lalo na sa mga overloaded na sasakyan.